Muling binuksan ng Department of Justice (DOJ) ang imbestigasyon laban kay Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel Jr., kaugnay sa paglabag nito sa quarantine protocol.
Ito ay matapos na makatanggap ng karagdagang dokumento ang DOJ mula sa National Bureau of INvestigation (NBI).
Ayon kay Asst. State Prosecutor Wendell Bendoval, nitong Setyembre 4 lang niya natanggap ang ilang dokumento kabilang na ang incident report mula sa Makati Medical Center kung saan sinamahan ni Pimentel ang misis niya na manganganak noong Marso.
Si Pimentel ay kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 11332 (Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Concern) dahil sa paglabag nito sa quarantine protocol matapos na lumabas ng bahay kahit na hindi pa lumalabas ang resulta ng kanyang swab test.
Nitong Hulyo 24 ay submitted for resolution na ang kaso laban kay Pimentel subalit ayon kay Bendoval kailangan muling buksan ang preliminary investigation upang tanggapin ang mga ebidensya na makakatulong sa maayos na pagreresolba ng kaso.