IKINABAHALA ng medical frontliners ang biglaang paglobo ng bilang sa mga residente na nahahawaan ng nakamamatay na sakit na coronavirus disease o COVID-19 sa Calabarzon region o Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Batay sa datus ng Department of Health (DOH) Region 4A, nasa 64,106 ang naitalang kaso ng COVID- 19 sa buong rehiyon kung saan nasa 328 ang bagong kaso na nadagdag sa bilang ng mga tinamaan ng virus.
Ayon kay Department of Health (DOH) Regional Director Paula Paz Sydiongco, nasa kabuuang 5,521 ang active cases sa buong rehiyon at ngayon ay isinasailalim sa treatment.
“We only have 5,521 active cases and are currently undergoing treatment in various health facilities in the provinces,” pahayag ni Sydiongco.
Napag-alaman na nasa 56,821 ang nakarekober habang 1,764 ang namatay sa virus.
Ang lalawigan ng Laguna ang may pinaka mataas na bilang ng kaso na may 17,242 sumunod ang Cavite na may 17,160, Rizal 13,286, Batangas na may bilang na 10,905 at Quezon 5,513.
“We are still currently facing the threat of Covid-19 and we need every one’s cooperation in preventing its spread in the community. Sa ngayon, nagkakaroon na ng kapabayaan sa pagpapatupad ng safety protocols dahil marami ng mga tao sa lansangan at lumalabas ng kanilang bahay na walang suot na mask at nakikihalubilo kung kani-kanino sa daan,” giit pa ni Sydiongco.
Paalala pa ni Sydiongco, “Let us not take the recent easing of restrictions to go out and travel everywhere we please. This is the time that we need to be wary. It is still best to stay at home and be safe, especially if do not have any important matter to attend to outside of your residence,”
Patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mass testing ang DOH- CALABARZON at Local Government Units sa ibat-ibang lalawigan upang maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 virus.

