Quezon City, binalot ng patayan sa nakalipas na magdamag

PITONG indibidwal ang napatay sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa nakalipas lamang ng magdamag sa Quezon City.

Unang insidente kung saan dalawa sa mga suspek ay nagnakaw umano ng motorsiklo habang ang lima naman ay nangholdap ng gasolinahan.

Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (QCPD-CIDU), isang call center agent ang nakapagsumbong sa istasyon ng pulisya kung saan ay tinangay umano ang kanyang motorsiklo ng dalawang lalaki habang siya ay tinututukan ng patalim at baril.

Sa checkpoint na naharang ng pulisya ang mga suspek subalit agad pinaharurot ang motorsiklo sabay paputok sa mga awtoridad na dahilan para sila habulin hanggang sa tuluyang mapaslang ang mga ito.

Samantala, limang kalalakihan na umanoy nangholdap sa isang gasolinahan sa Commonwealth Avenue ang napaslang din ng mga rumespondeng pulisya.

Base naman sa naging testimonya ng isang security guard, bigla na lang dumating ang anim na suspek na sakay ng tatlong motorsiklo at bumaba ang mga angkas nito at mabilis na inagaw ang kanyang shotgun at pinadapa siya.

Nakuha ng mga salarin ang P18,000 na kita ng gasolinahan at mga cellphone ng mga gasoline boy. Maging ang mga inabutang nagpapagasolina ay kinuhaan din umano ng pera.

Tatlo sa mga suspek ang napatay sa follow-up operation sa Barangay Pasong Tamo habang dalawa naman sa Barangay Sauyo. Nakatakas naman ang ika-anim na suspek.

Tinutukoy pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa pitong napatay na lalaki.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.