Sugatan ang dalawa katao, kabilang ang isang pulis, sa isang sunog na naganap sa Barangay Torres, Dinalupihan, Bataan, Lunes ng gabi.
Ayon sa ulat mula kay Police Lt. Col. Emil Dela Cruz, hepe ng Dinalupihan Police, kinilala ang mga nasugatan na sila Ruben Carlos at asawa nitong si Police Staff Sgt. Aleli Carlos, na nakatalaga sa Dinalupihan Municipal Police Station.
Nabatid sa imbestigasyon ni Fire Officer 3 Weillborn Guinto ng Bureau of Fire Protection na nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na bahay ganap na alas-10:40 ng gabi nitong Lunes at idineklarang fire under control ganap na alas 11:30 ng gabi.
Nagtamo ang mga biktima ng mga sugat at burn injuries sanhi ng nabanggit na sunog kung saan naabo ang unang palapag ng kanilang tahanan. Kaagad na naisugod ng mga rumespondeng BFP firefighter, barangay personnel, Metro Bataan Development Authority (MBDA), at mga kasamahan sa PNP, sa Dinalupihan District Hospital ang mga biktima.
Faulty electrical wiring ang sinasabing sanhi ng sunog habang inaalam pa ang halaga ng natupok ng apoy.

