Pulis na gumamit ng nakaw na sasakyan, arestado sa Laguna

KALABOSO ang isang miyembro ng Police Security and Protection Group (PSPG) dahil sa paggamit umano nito ng nakaw na sasakyan sa Calamba City, Laguna.

Tinukoy ni PNP chief General Dionardo Carlos ang pagkakakilanlan ng suspek na si Chief Master Sgt. Allan Casañas, na dinakip ng mga tauhan ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG)-Calabarzon at PNP Highway Patrol Group (HPG).

Dakong alas-7:20 ng Linggo ng gabi nang masakote si Casañas na minamaneho ang isang nakaw na silver na Toyota Innova habang nasa Chipeco Avenue sa Barangay Halang, Calamba City.

Sinabi ni Carlos na isinailalim sa surveillance si Casañas matapos na makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad na gumagamit ito ng nakaw na sasakyan.

Nang matiyempuhan ay pinigil si Casañas sa pagbiyahe nito at ikinulong nang matukoy sa HPG Vehicle Information Management System na nakaw na kotse ang ginamit nito.

Sinabi ni IMEG chief Brig. Gen. Oliver Enmodias na ang orihinal na may-ari ng sasakyan ay isang Jeanet Gisalan ng Malate, Manila na nagsumbong sa pulisya na ninakaw ang kanyang kotse sa Scout Borromeo St. sa Barangay South Triangle, Quezon City nuong Agosto 28, 2012.

Ang plaka naman ng ginamit sa sasakyan na PBI 531 ay orihinal na nakalagay sa isang itim na Ford Focus Hatchback na nakarehistro sa isang gasolinahan.

Binawi na ang service pistol ni Casañas habang isasalang sa ibayo pang pagsusuri ng PNP-HPG at Forensic Group ang sasakyan.

PHOTO CREDIT:PNP Public Information Office

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.