Puganteng South Korean, muling naaresto ng BI

ISANG South Korean national na dati nang nakatakas sa mga awtoridad ay naaresto muli ng Bureau of Immigration (BI) matapos siyang pumuga noong Marso 4 sa Quezon City.

Ang puganteng South Korean na si Na Ikhyeon ay nahuli sa pamamagitan ng pinagsanib na pwersa ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI and Intelligence Division sa koordinasyon at pakikipag-tulunga ng City Intelligence Unit, Police Station 4 Angeles, Regional Special Operations Unit PRO 3 at PNP-Intelligence Group at Naval Intelligence and Security Group Northern Luzon.

Naabutan ang suspek na nagtatago sa isang bahay sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.

Kasama ring naaresto ang kasabwat ni Na Ikhyeon na si Kang Changbeom.

Napag-alaman na tinulungan ni Kang ang suspek na makatakas, batay na rin sa CCTV footage at iba pang nakalap na impormasyon ng mga awtoridad.

Sa beripikasyon ng mga awtoridad sa Pilipinas sa Korean National Police Agency, nakumpirma na si Kang ay isang wanted fugitive sa South Korea para sa kasong fraud.

Parehong ililipat ang dalawang pugante sa detention facility ng BI sa  Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Hihigpitan naman ang seguridad para sa paglilipat sa dalawa kasunod na rin ng insidente ng pagtakas bukod pa sa itinuturing na silang mga high-risk detainees  dahil sa tangkang pagpuga.

Samantala, lumabas na ang dalawang tauhan ng BI na nagpatakas kay Na ay mga contractual employees na agad namang tinanggal sa puwesto, habang ang kaso ng isa pa na permanent employee ay iniakyat na sa Department of Justice (DOJ).

Noong Biyernes, naglabas si DOJ Secretary Jesus Crispin  Remulla ng termination ng pangatlong empleyado na sangkot sa pagtakas ng suspek.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.