PATULOY nang sinisiyasat ng pamahalaang lungsod ng Malolos, Bulacan ang naganap na prusisyon sa pagdiriwang ng kapistahan sa Barangay Look 1st at Barangay Lugam nuong nakaraang Linggo kung saan ay isinayaw ng mga residente ang imahe ng poon at hindi na natupad ang standard health protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nag-viral sa social media ang cellphone video na isinasayaw ng mga deboto ang mga patron ng Virgen del Santo Rosario at Segundo Patron ang Mahal na Poong San Roque sa kalsada kaugnay ng pagdiriwang ng Ika-143 Pista ng Pasasalamat.
Maraming tao ang makikitang sumasayaw na halos magkakadikit na at ang iba ay walang suot na facemask at faceshield.
Ayon kay Mayor Gilbert Gatchalian, iimbestigahan nila ang insidente dahil ipinagbabawal sa ilalim ng MECQ ang ano mang pagdiriwang tulad ng kapistahan. Inatasan ni Gatchalian ang pulisya na simulan na ang imbestigasyon hinggil dito.
Paliwanag naman ng barangay kapitan ng Look 1st na si Romeo Santiago, hindi niya alam na may magaganap na pagsasayaw sa kalsada nitong kapistahan.
Ang tanging nakarating sa kaalaman ng kapitan del barrio ay magdadaraos ng motorcade para sa kapistahan na binubuo ng dalawang sasakyan at isasakay ang mga Poon na ililibot hanggang sa katabing barangay ng Lugam.
Sa nasabing parada ay hindi na napigilan ang mga deboto na lumabas ng bahay at isinayaw ang kani-kanilang mga poon.
Humingi naman ng paumanhin si Santiago sa publiko at sa kinauukulan kaugnay sa naganap na insidente.

