NAGBABALA ang grupo ng mga pribadong pagamutan sa bansa na maaaring mapuno na ang kanilang kapasidad para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila at sa ibang parte ng bansa sa loob lamang ng hanggang isang buwan kung magpapatuloy ang pagtaas ng mga bagong kaso ng impeksiyon.
Aminado si Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) President Dr. Jose Rene De Grano na nababahala sila sa patuloy na pagtatala ng higit sa 3,000 bagong kaso ng COVID-19 kada araw.
Aniya, kung hindi ito maaagapan ay tiyak na maaabot ng mga pagamutan ang kanilang full capacity, sa loob lamang ng hanggang isang buwan.
“If we don’t do anything about it, most probably it will follow the trend, maybe in the next 3-4 weeks, if this is not abated, then we will be reaching the full capacity in the next 4 weeks,” ayon kay De Grano.
Batay sa tala ng DOH, nitong Marso 11 ay umakyat na sa 47,769 ang mga aktibong kaso sa bansa.
Ito na anila ang pinakamataas na naitalang aktibong kaso mula noong Oktubre 24 ng nakaraang taon.
Sa kabila nito, hindi pa naman nakikita ni De Grano na kailangang magkaroon muli ng “healthcare workers timeout”.
Nanawagan na lamang siya sa publiko na maging disiplinado at patuloy na istriktong sumunod sa mga health at safety protocols na ipinaiiral ng pamahalaan.
Aniya pa, makakatulong rin ang ipinatutupad na curfew at “localized lockdowns” ng mga lokal na pamahalaan, na may matataas na bagong kaso ng COVID-19 para maiwasan na ang transmission nito.