PINAYAGAN na ng gobyerno na magdala ng kasama ang mga senior citizen at may comorbidity na magpupunta sa mga vaccination site, o yaong tinatawag na “Plus 1” strategy.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Usec Maria Rosario Vergeire na layon nitong mahikayat ang mga nakatatanda na magpabakuna na maging ang kasama nila sa bahay.
Paliwanag ni Vergeire, maaring kasambahay, kamag-anak o kasama sa bahay ang maaring isama ng mga senior citizen.
Sa mga A3 o may comorbidity Plus 1, upang mapatunayan ng pangangailangan ng kasama na magtungo sa bakunahan, kailangan lamang magdala ng medical certificate.
Kabilang sa mga tinukoy na pasok sa programa ang mga A3 na may cancer, sumasailalim sa chemotherapy, sumailalim sa organ transplant o mahina ang katawan.
Sa ilalim ng A2 Plus 1 at A3 Plus 1, babakunahan na rin ang mga kasama ng mga nakatatanda at mga kuwalipikadong may comorbidity.
Ito ay para mas mahikayat ang mga A2 at A3 ay maturukan laban sa COVID-19.
Bagaman sinabi ni Vergeire na sinusunod na ito ngayon ng ilang lokal na pamahalaan, sa loob naman ng linggong ito lalabas ang resolusyon ukol sa pormal na pagpapatupad ng programa.

