Pito arestado sa buy bust sa Valenzuela

Share this information:

HIHIMAS ng rehas ng kulungan ang pitong hinihinalang drug personalities matapos maaresto sa magkakahiwalay na buy-bust operation ng pulisya sa Valenzuela City.

Sa report ni PSMSgt. Fortunato Candido kay Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Havena Jr., dakong alas-2:20 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa No. 1169 Sta Monica St., Ugong na nagresulta sa pagkakaaresto kina Aldrin Pablo alyas “Ade,” 29 anyos, Julius Alaan alyas “Tata,” 43 anyos, Mario Luis Buncio III alyas “Baba,” 31 anyos at Lorens Rey Silvaña, 24 anyos.

Nakumpiska sa kanila ang tinatayang nasa 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P68,000, P500 marked money, P900 cash, at dalawang cellphone.

Nauna rito, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang masakote din ng kabilang team ng SDEU sa buy-bust operation sa Galas St., Brgy. Bignay si Gemar Senillo, 29 anyos. Nakuha sa kanya ang nasa 7 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P47,600, P500 buy-bust money, P150 cash, cellphone at coin purse.

Samantala, sa Brgy. Marulas, natimbog din ng isa pang team ng SDEU sina John Loteriña alyas “Jan-Jan,” 47 anyos at Ruby Loteriña, 36 anyos, matapos bentahan ng P300 halaga ng shabu ang isang police poseur-buyer sa buy-bust operation sa F. Bautista St., dakong alas12:05 ng hatinggabi.

Narekober sa mga suspek ang nasa 5 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P34,000 ang halaga, buy-bust money, coin purse at cellphone.

Nahaharap ang naarestong mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.