Pinsan ng terrorist leader, patay sa engkuwentro sa Sulu

Share this information:

NAPATAY sa pakikipagsagupa sa militar ang hinihinalang sub-leader at bomb maker ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Patikul sa Sulu, Lunes ng umaga.

Tinukoy ng Joint Task Force Sulu ang pagkakakilanlan ng nasawing bandidong lider na si Arsibar Sawadjaan, pinsan ni Mundi Sawadjaan na itinuturong mastermind ng kambal na pagsabog sa bayan ng Jolo nuong Agosto 24.

Nabatid na naka-engkuwentro ng tropa ng 45th Infantry Battalion ang tinatayang 40 bandido sa pinaglulunggaan ng grupo sa Barangay Maligay.

Wala namang naiulat na namatay sa panig ng tropa ng pamahalaan.

Samantala, naaresto naman ng Philippine National Police ang umano’y kanang-kamay ni ASG leader Mundi Sawadjaan sa Zamboanga City.

Tinukoy ni PNP Chief General Camilo Pancratius Cascolan ang suspek na si Hashim Saripada o kilala rin sa tawag na Ibnu Kashir Saripada.

Nasukol si Saripada ng mga operatiba ng Regional Intelligence Unit – IX at 84th Special Action Company (Seaborne) sa Barangay Recodo.

Naniniwala naman si Cascolan na malaking dagok sa grupo ni Sawadjaan ang pagpapadakip kay Saripada na tumutulong dito sa mga istratehiya patungkol sa mga pag-atake.

“Saripada is the assistant, cohort of Mundi Sawadjaan. This will be a very, very big blow on him because nawalan siya ng isang pinagkakatiwalaan and this one is actually his assistant, so karamihan ng kaniyang mga activities ngayon, hindi na matutuloy. He knows na mino-monitor na siya ng lahat ng intelligence and anti-terrorism units,” ayon kay Cascolan.

“He assists him in all operations, gumagawa ng mga IEDs (improvised explosive device), at lahat ng mga strategies niya naka-based din kay Saripada,” dagdag pa ng heneral.

Si Saripada ay matagal na ring pinaghahanap dahil sa kinakaharap nitong warrant of arrest sa mga kasong multiple murder at multiple frustrated murder.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.