DALAWANG Pinoy pool artists ang umusad sa semifinal round ng 2021 US Open Pool Championship na kasalukuyang ginaganap sa Harrah’s Resort sa Atlantic City, USA nitong Sabado ng umaga (Philippine time).
Kung sakaling mananalo sa kanilang mga kalaban sa semifinal round, ang dalawang Pilipino, sina Dennis Orcollo at Carlo Biado, ay posibleng siyang magharap para sa isang All Filipino showdown para sa kampeonato.
Itinumba ni Dennis Orcollo sa kanilang quarterfinal match ang kalabang si Max Lechner ng Austria sa iskor na 11-7. Samantala, dumaan naman sa butas ng karayom si Carlo Biado at sa huli ay nagwagi ito sa kalabang kapwa Pilipino na si Johann Gonzales Chua sa kartadang 11-10.
Ang semifinal matches ni Orcollo at Biado ay nakatakdang ganapin bukas, araw ng Linggo, bandang alas 10 ng umaga (Philippine time) kung saan makakalaban ng two-time SEA Games gold medalist na si Dennis si Aloysius Yapp ng Singapore, habang si Biado ay makikipag-bakbakan naman kay Naoyuki Oi ng Japan.
Ang final round ay gaganapin din bukas bandang 3:30 ng hapon.
Nakataya ang US$50,000 o humigit-kumulang P2.5 milyon na grand prize para sa magwawagi.
May pagkakataon din ang Pilipinas na muling maghari sa US Open Pool Championships kung malalampasan ng dalawang Pinoy ang kanilang mga kalaban upang masungkit muli makatapos ang 27 taon.
Ang huling Pilipino na nagwagi sa US Open Pool ay ang tinaguriang “The Magician” na si Efren “Bata” Reyes matapos nitong talunin si Nick Varner ng United States noong 1994.
(MAIN PHOTO: Dennis Orcollo (left) and Carlo Biado)
(PHOTO CREDIT: matchroompool.com)

