Philhealth officials na sabit sa mga anomalya, kakasuhan ng mga kongresista

ITUTULAK ng mga kongresista na masampahan ng mga kaso ang ilang opisyal ng Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) na isinasangkot sa katiwalian sa state insurer.

Ito ang biniyang-diin ni House Committee on Public Accounts chairperson Rep. Mike Defensor sa panayam sa DZBB.

“Ito po ay gagawin namin individually dahil nga ho, as a body, as a Congress, as a committee, hindi naman po pwede naming gawin,” pahayag ni Defensor.

“Ito na po ang pagkakataon na i-approve namin itong report na ito at mag-file kami ng kaso sa karapat-dapat na file-an ng kaso. Ito pong pag-aaral namin kung binasa po ninyo wala kaming itinago, wala kaming kinilingan, at talagang inilabas namin ‘yung mga problema sa loob ng PhilHealth,” dagdag pa ni Defensor.

Tinukoy ni Defensor na isa sa mga malaking isyu na nakapaloob sa balangkas ng committee report ay ang umano’y maanomalyang settlement ng Philhealth at Cardinal Santos Medical Center na kinasasangkutan ng P170 milyong halaga ng pondo ng ahensya.

“Ang pinakamalaking kaso po dito ‘yung Cardinal Santos Medical Center… Ang nakalagay dito sa draft report ay syndicated estafa pero sa aking paniwala at sa pananaw ng marami sa komite, eh pumapasok po ito sa problema ng plunder,” paliwanag ni Defensor.

“May members ng board, ang iba dito parent Cabinet secretaries na talaga naman pong—hindi ko sinasabing may corruption sila, nagkataon pumirma sila. Pinayagan nila… so siyempre hindi naman natin maisasantabi na lamang,” dagdag pa ng kongresista.

duque, morales inirekomendang makasuhan

Kabilang umano sina Health Secretary Francisco Duque III at dating PhilHealth president Ricardo Morales sa mga pinakakasuhan ng House panel sa mga katiwalian sa state insurer.

“‘Yung kay Secretary Duque, dalawa ‘yung case na nakapailalim sa loob ng report,” ayon kay Defensor.

Ang unang reklamo na inihahanda ay may kinalaman sa pagbaligtad ng desisyon ng Court of Appeals patungkol sa kaso ng Perpetual Succor Hospital sa Cebu na napatunayang guilty sa paglabag sa Philhealth law nang pahabain ang panahon ng pagkaka-confine nito.

“Yung kaso dito sa Perpetual Succor is not so much doon sa corruption or kung anuman ang ginawa nila pero ‘yung pagre-reverse ng decision ng judiciary,” ani Defensor.

Ang ikalawang reklamo na mag-uugnay aniya kay Duque ay may kinalaman sa interim reimbursement mechanism (IRM) na nagpapahintulot sa Philhealth na magbigay ng cash advances sa healthcare institutions.

“‘Yung mekanismo ng advance payment, mali iyon. Hindi dapat ginagawa,” dagdag pa ng mambabatas.

Samantala, ang inirekomendang mga kaso naman para kay Morales ay may kaugnayan ng pagpapalabas ng pondo na inirekomenda ng Executive Committee.

“Yung sa kaniya naman, sa execomm (executive committee) dahil sila ang gumawa ng recommendation para dito, sila ‘yung nag-release ng pondo. So, all those actions are covered in this report,” he said.

Partikular na inirerekomendang isampang reklamo laban kina Duque at Morales ay ang paglabag saAnti-Graft and Corrupt Practices Act, Article 220 ng Revised Penal Code kaugnay sa illegal use of public funds, gayundin ang administrative offenses for grave misconduct at grave neglect.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.