PCG, sumaklolo sa dalawang barkong nagka-aberya sa Batangas

DALAWANG barko ang tinulungan ng Philippine Coast Guard (PCG) makaraang sumadsad at magkaroon ng engine trouble sa bahagi ng baybayin ng Barangay Masaguisit, Lobo Batangas.

Base sa imbestigasyon, ang MV Seaborne Cargo 6 ay umalis ng Manila  patungong Iloilo karga ang 140 container ng assorted goods.

Habang naglalayag sa Verde Island, Batangas ay nasiraan ito ng makina.

Agad namang ipinagbigay-alam ng kapitan ng barko sa kanilang opisina ang insidente para sa kaukulang tulong.

Ang sister vessel nitong MV Seaborne Cargo 5 ay papunta naman ng Maynila mula Bohol at inatasan na magtungo sa Verde Island, Batangas kung saan naroon ang MV Seaborne Cargo 6 para hilahin.

Lulan naman ng MV Seaborne Cargo 5 ang 1,620 na baboy  at 113 baka.

Gayunman, habang patungo na destinasyong daungan, sumadsad naman sa mababaw na bahagi ng karagatan ang MV Seaborne Cargo 5 habang hila ang sister vessel nito.

Agad namang nagpadala ng tauhan ang PCG mula sa kanilang marine environmental protection unit upang magsagawa ng hull inspection at masiguro na walang marine environmental damages na magaganap.

Wala ring nakitang oil spill ang PCG divers.

Kinumpirma ng mga kapitan ng barko na 22 crew ang sakay ng MV Seaborne Cargo 5 at 23 crew naman ang MV Seaborne Cargo 6 na kapwa nasa maayos naman na kondisyon.

Dahil sa insidente, pinayuhan ng PCG ang mga kapitan  at may-ari ng barko na regular na suriin ang makina ng barko upang maiwasan ang insidente sa karagatan.

Inatasan din silang maghain ng marine protest sa  PCG Station Batangas at maghanap ng accredited salvor upang magsagawa ng salvage operations sa nabalahaw na cargo vessels.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.