Breaking News

Share this information:

ARESTADO ang isang lalaki at 16-anyos na binatilyo matapos ireklamo ng pangongotong sa isang negosyante gamit ang pangalan ng isang police officer bilang panakot sa biktima sa Valenzuela City.

Kinilala ang naarestong suspek na si Juanito Logan, 30 anyos, ng No. 127, Road 1, Lingahan, Brgy. Malanday at ang binatilyo na itinago sa pangalang “Bogoy,” estudyante ng Alternative Learning System (ALS).

Sa imbestigasyon nina PCMSgt. Felix Viernes at PSSgt. Victor Illustrisimo, nakatanggap ng chat mula sa hindi kilalang tao na nanakot gamit ang account name “Adrian Manalo” ang biktimang si Justin Clemente Bots, 41 anyos, negosyante, ng 289 M.H. Del Pilar St., Brgy. Malanday sa dahilan na pinilit umano ni PSMSgt. Roberto Santillan ang binatilyo na magsampa ng kaso kontra sa kanya.

Nakiusap ang biktima sa taong nagpadala ng mensahe sa kanya na huwag ituloy ang kaso hanggang sa humiling ang naturang tao ng P1,200 kapalit para siya ay manahimik.

Dakong alas-8:45 ng umaga nang ibigay ng biktima sa mga suspek ang hiniling na naturang halaga ng pera at matapos ang transaksyon ay tinawagan ng biktima ang ina ng binatilyo at tinanong kung alam ba nito ang ginawa ng kanyang anak.

Nang malaman ng ina ng binatilyo ang pangyayari, agad siyang humingi ng tulong kay PSMSgt. Santillan na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Dito, napag-alaman ng biktima na walang kinalaman si PSMSgt. Santillan sa kanilang transaksyon at wala siyang pinilit na kahit ano sa mga suspek.

Sinampahan ng kasong Robbery (Extortion) at Unjust Vexation ang suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office habang tinurn-over naman sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development ang binatilyo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: