PINAGBABARIL ng hindi pa tukoy na mga salarin ang isang piloto at dating board member sa San Pablo City, Laguna kahapon.
Dead on arrival sa ospital ang biktima na nakilalang si Capt. Jeffery Palce, residente ng Barangay Antipolo, Rizal, Laguna bunsod ng tinamong mga tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng kanyang katawan.
Si Palce ay piloto sa Philippine Airlines (PAL) at dating pangulo ng Councilors League of Laguna.
Ayon kay San Pablo City Chief of Police Lt. Col. Garry Alegre, dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo ang tumambang kay Palce ilang sandaling makalabas ito sa tanggapan ng kanyang abogado sa Barangay VII dakong alas 9:30 ng umaga ng Lunes. (July 5, 2021).
Isinugod pa ng ilang mga nakasaksi sa insidente si Palce sa Pagamutang Panlalawigan ng Laguna subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya, bago pinatay si Palce ay dumalo muna ito sa pagdinig sa hall of justice kaugnay sa libel case na isinampa ni Rizal, Laguna Mayor Vener Muñoz.
“Mukhang baguhan ang isa sa bumaril dahil naiwan sa kanilang pagtakas ang magazine ng baril na ginamit,” pahayag ni Alegre.
Napag-alaman base sa record, kumandidato si Palce ng dalawang beses sa pagka-mayor ng Rizal, Laguna subalit natalo ito. Inaalam pa ng pulisya kung pulitika ang dahilan sa paglikida sa biktima sa pagpapatuloy pa rin ng imbestigasyon sa kaso.