NAGLABAS na ng Executive Order ang Malakanyang para kilalanin ang proteksyon ng mga refugee, stateless persons, at mga humihiling ng asylum o ang mga tinatawag na Persons of Concern (POC).
Sa ilalim ng Executive Order Number 163 na nilagdaan ni Executive Secretary Salvador Medialdea at may petsang Pebrero 28, 2022, ipinasisiguro ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektado ng estado ang seguridad at kalayaan sa pagkilos ng mga POC.
Nakapaloob din sa nasabing EO ang pagbibigay sa mga POC ng socio-economic services, social security benefits, trabaho, edukasyon, tulong legal, access sa mga korte at kalayaan sa relihiyon.
Ang kautusang ito ng Palasyo ay inilabas sa gitna ng COVID-19 pandemic na naglilimita sa kilos ng mga POC para makatawid ng borders para sa kanilang proteksyon.
Sa ilalim ng EO 163, nakasaad ang pagtatatag ng inter-agency committee on the protection of refugees, stateless persons at asylum seekers na pangungunahan ng kalihim ng Department of Justice bilang chairman at ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development bilang vice chairman, kasama ang iba pang mga ahensiya ng gobyerno bilang mga miembro.
inatasan din ng pangulo ang komite na ibigay ang akmang proteksyon at iba pang social services sa mga POC.
Kasama din sa trabaho ng komite ang makipag-ugnayan sa United Nations High Commissioner for Refugees at iba pang international bodies para siguruhing maibibigay nang tama ang kinakailangang serbisyo at proteksyon sa mga POC.
Ang kautusang ito ng Palasyo ay bilang pagkilala na rin sa 1951 United Nations Convention relating to the status of refugees, 1954 United Nations Convention Relating to the status of Stateless Persons, at 1961Convention of the Reduction of Statelessness.

