IPINAG-UTOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas ang pagsisiyasat sa tumataas na demand ng marijuana sa National Capital Region (NCR).
Kasunod ito ng nasamsam na 217 kilo ng marijuana bricks na nagkakahalagang P26 milyon sa Quezon City nuong Linggo.
Ayon kay Sinas, galing ang mga bloke ng marijuana sa Cordillera at inaalam na kung ginagamit na rin ito ngayon bilang alternatibo sa shabu.
“We are assessing, determining kung itong marijuana will be used as an alternative for shabu. Bakit ganito karami at tumaas ang demand ng marijuana sa NCR at nearby provinces,” ayon kay Sinas.
“We do not know yet kung ano relations nito ng marijuana but once we will know, we will make follow-up operations,” dagdag nito.
Dumipensa naman si Sinas sa paglusot ng checkpoint ng pulisya ng bloke-blokeng marijuana.
“Sa checkpoint naman kasi plain view lang kami. Kung ano lang ‘yung nakikita. Kung nakita niyo naman ‘yung packaging tapos sinabay sa gulayan, wala naman nagchecheck doon ng aso na pang-amoy so tuloy tuloy lang po ‘yan,” paliwanag ng PNP Chief.