Pagsibak sa walong pulis na sangkot sa Jemboy slay case, inirekomenda ng PNP-IAS

Share this information:

INIREKOMENDA na ng hepe ng Philippine National Police – Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa liderato ng pambansang pulisya ang pag-alis sa serbisyo ng walong pulis na isinasangkot sa pagpatay kay Jemboy Baltazar sa Navotas City dahil sa mistaken identity.

Inilahad ni Atty. Alfegar Triambulo, Inspector General ng PNP-IAS, na kabilang sa kanilang rekomendasyon sa Philippine National Police (PNP) ay ang pagsibak din ng dalawang team leaders na namuno sa operasyon.

Sa pinalalim na imbestigasyon ng PNP-IAS, sinabi ni Triambulo na inamin ng anim na pulis na lahat sila ay nagpaputok ng baril na nagresulta sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Baltazar.

Nadawit naman ang dalawang team leaders dahil sa aniya’y pagpapabaya nila sa isinagawang follow-up operation.

Ayon sa kaibigan ni Baltazar, inihahanda nila ang bangka na kanila sanang gagamitin para mangisda noong ika-2 ng Agosto bago mangyari ang insidente ng pamamaril.

Ang mga kakasuhang pulis ay nahaharap sa patung-patong na kasong kriminal at administratibo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.