Pagsabog sa bulkang Bulusan, muling naitala ngayong araw

NAKARANAS muli ng isa na namang phreatic eruption ang bulkang Bulusan sa Sorsogon ngayong Linggo ng madaling araw.

Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang pagsabog ay tumagal ng 18 minuto, at nangyari kaninang dakong alas-3:37 ng madaling araw.

Ayon kay PHIVOLCS Director Undersecretary Renato Solidum, Jr. na umabot ng isang kilometro ang taas ng ibinuga ng bulkang Bulusan.

Gayunman, nananatili pa rin ang Alert Level 1 sa bulkan.

Hindi pa rin natin masasabing tapos na. At posible pang masundan ang pagsabog kaya kailangang bantayan ang Bulkang Bulusan,” dagdag pa ni Solidum.

Sa kabila ng panibagong pagsabog, sinabi ni Solidum na wala pa silang nakikitang batayan para itaas ang Alert Level 2 sa bulkan.

Wala tayong nakikitang parametro na may magma na umaakyat ng bulkan… Ang magmatic eruption ay mas delikado. Doon tayo nakaumang,” paliwanag ng opisyal.

Binanggit pa nito na maaaring magkaroon ng pyroclastic flow ang bulkan kung titindi ang pagsabog nito.

Hindi lang abo ang deposito ng Bulkang Bulusan. Mayroong pyroclastic flow, ‘yung mga abo at bato… gumugulong ‘yan ng mabilis. Ito ang iniiwasan natin kaya bago magkaroon ng malakas na pagsabog ay naglilikas na tayo,” ani Solidum.

Base sa mga deposito, may mga mas delikadong eruption ang Bulusan. Sa ngayon, mga phreatic eruption ang ating nakikita. Dahil maliliit pa ang lindol, ‘yung pressure kung mayroon man ay sa ibabaw lang,” dagdag nito.

Sinabi naman ni Juban, Sorsogon Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Public Information Officer Arian Aguallo na apektado ng ashfall ang buong bayan.

Medyo scattered po ngayon ang bagsak ng ashfall, hindi lang concentrated sa isang barangay. As of now, buong munisipyo po may traces of ashfall. Pero may mga selected barangays na heavily affected,” ayon kay Aguallo.

Tiniyak naman ni Aguallo na wala pang nararanasang hindi magandang epekto ang ashfall sa nasabing bayan.

Nabatid pa mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na nagsimula na rin ang paglilikas sa mga residente sa ilang barangay sa Juban na nasa mahigit isandaang pamilya na o 438 na indibidwal.

Ongoing po ang aming coordination with the regional counterpart. As of this moment ay we received a report na may ashfall incident sa Casiguran, Juban, Irosin,” dagdag ng NDRRMC.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.