Pagpapanatili ng MPD ng “peace and order” sa Maynila, pinuri ng alkalde ng lungsod

GINUGUNITA ng pamunuan ng Manila Police District (MPD) ang ika-123 taon ng pagkakatatag nito at inihayag din ang kanilang mga nagawa sa tulong ng kapulisan na bahagi ng MPD at ng mga sumusuporta dito, kabilang na ang lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila.

Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng anibersaryo ng MPD na ginanap sa MPD headquarters sa UN Avenue sa Maynila ngayong araw, binati ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pamunuan ng MPD at kinilala nito ang hirap ng mga kapulisan lalo na at ang Maynila ang siyudad na may pinakamaraming populasyon sa Pilipinas.

Kinikilala rin ni Lacuna ang ang pagsisikap ng MPD na mapanatili ang “peace and order” sa lungsod.

Ayon pa sa alkalde, lagi lamang nitong hinihiling sa MPD na palakasin ang police visibility sa lungsod lalo na sa matataong lugar.

Bukod kay Lacuna, kabilang sa mga dumalo sa 123rd founding anniversary ng MPD ay sina MPD Director P/Brig. General Arnold Thomas Ibay, Philippine National Police (PNP) Chief P/General Benjamin Acorda, Jr, at iba pang matataas na opisyal sa hanay ng PNP, gayundin si Lacuna,na siyang guest speaker at nanguna sa wreath-laying ceremony.

Sa kanya namang maikling mensahe, sinabi ni Ibay na ayon sa national historical marker sa MPD, ang Manila police force ang pinaka-unang police force sa bansa sa bisa ng proklamasyon ni Governor-General William Howard Taft noong 1901.

Ang punong himpilan ng MPD ay itinayo bago ang ikalawang digmaang pandaigdig  bilang South Police Station. na pinagkublihan ng hukbong Hapones at naging lugar ng matinding labanan noong Battle of Manila noong 1945 at mula sa pagkasira, ito ay isinaayos noong 1949 sa ilalim ng rehabilitasyon at ito ay naging punong himpilan ng hukbong pampulisya ng Maynila simula noon.

Dagdag pa ni Ibay, kinikilala nila ang mga nagawa ng MPD personnel at mga tumulong para makamit ang kanilang mga pagsisikap.

Sinabi naman ni Acorda na naging masaya ito sa mga naging achievement ng MPD at sa mga nagdaang aktibidad na naging matagumpay dahil malaking bagay aniya ang ginawa ng MPD sa pagpapanatili ng katahimikan sa lungsod ng Maynila. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.