Breaking News

Share this information:

Iminungkahi ng .OCTA  Research Group  na manatili pa rin ang pagsasailalim ng Metro Manila ng general community quarantine (GCQ) hanggang sa Hulyo 31 bunsod na rin nang nananatiling banta ng Delta COVID-19 variant.

Sa isang televised press briefing, sinabi ni Dr. Ranjit Rye na maaari namang magluwag sa pagbubukas ng mga business establishment ngunit dapat pa rin aniyang mapanatili ang istriktong health protocols sa National Capital Region (NCR).

Dagdag pa ng eksperto, maganda na ngayon ang sitwasyon sa NCR ngunit kailangan pa rin aniyang mapanatili ang ganitong kondisyon, habang pinaiigting pa ang tuluy-tuloy na pagbabakuna sa mga residente laban sa COVID-19.

“Sa NCR, I think we should continue with GCQ. Pwede tayo magluwag doon sa business establishments. Kaya ko sinasabi ito kasi may banta tayo ng Delta [variant],” ayon kay Rye. “Although maganda sitwasyon ngayon sa NCR, kailangan tuluy tuloy at ma-sustain natin ito habang sinasabayan natin ng pag-increase ng vaccination natin.”

Sinabi pa ni Rye na sa ngayon ay hindi pa handa ang Metro Manila na maisailalim sa mas maluwag na modified general community quarantine (MGCQ) dahil kailangan pa ng pamahalaan na palakasin ang monitoring at pagpapatupad ng minimum public health standards.

Nagpaalala rin naman si Rye sa mga mamamayan na huwag maging kampante at patuloy pa ring maging maingat at tumalima sa mga health protocols laban sa COVID-19 dahil nananatili ang banta ng virus.

Ang NCR ay kasalukuyan pang nasa ilalim ng GCQ with some restrictions hanggang sa Hulyo 15.

Inaasahan namang iaanunsiyo ng pamahalaan ang bagong quarantine classifications para sa Hulyo 16 hanggang 30 sa mga susunod na araw.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: