INIIMBESTIGAHAN na ng Department of Health (DOH) ang nangyaring paglabag sa vaccination protocol na nakita ng mga netizen sa isang kumakalat ng video.
Makikita sa video na bigong makatanggap ng tamang dose ang binabakunahan dahil sa hindi maayos na pagbabakuna ng vaccinator.
Sinabi ng DOH na makikipag-coordinate ito sa local government unit at muling pinaalalahanan ang lahat ng vaccinators na mag-ingat at bigyan-pansin ang pagbabakuna.
Ayon sa DOH, ito ay malinaw na “breach of vaccination protocol.”
Sa kumalat na video, kinuhanan ng recipient ng video ang kanyang pagpapabakuna nang mapansin nito na bigong itulak ng healthcare worker ang laman o bakuna na nasa syringe.
Agad namang tinugunan sa vaccination site ang pagkakamali at matagumpay ding nabakunahan ang recipient matapos ipakita ang video sa vaccination team.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III sa publiko na ang insidente ay sineseryoso at ang agarang mga pagpapabuti sa proteksyon ay gagawin upang matiyak na maiiwasan na mangyari muli ang mga pagkakataong tulad nito.
“Sinisigurado po namin na ating iimbestigahan ang pangyayaring ito upang mapabuti ang ating national vaccination program. Sa pagdating ng mas maraming bakuna sa bansa, we will continue to improve our speed, scale, and quality of service,” pahayag ni Duque.

