NAGBABA ng utos ang Commission on Elections (Comelec) en banc kung saan kinakansela ang rehistrasyon at tatanggalin sa listahan ang 42 grupo bilang partylist at koalisyon.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ang desisyon na alisin ang 11 organisasyon sa listahan ay dahil sa pagkabigo nito na lumahok sa nagdaang dalawang eleksyon.
Samantala, 31 grupo o organisasyon naman ang tinanggal dahil sa pagkabigong makakuha ng dalawang porsiyento ng mga boto sa ilalim ng partylist system at nabigong makakuha ng puwesto sa nakalipas na dalawang halalan.
Kabilang sa mga grupong ito ang 1-CARE o 1st Consumers Alliance for Rural Energy Inc., Butil Farmers Party, PLM o Partido Lakas ng Masa, NACTODAP o National Confederation of Tricycle Operators and Drivers Association of the Phils, PDDS o Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan at PRAI o Phil National Police Retirees Inc.
Hinihiling naman ng Office of the Secretary to the Commission sa pamunuan ng Comelec na mailathala ang resolusyon sa mga pahayagan at sa Comelec website.

