| BALIWAG, Bulacan- Tuloy na tuloy na ang pagiging isang lungsod ng bayan ng Baliwag. Ito ay pagkatapos magkasundo ang mga panig na nagsusulong nito sa Kongreso. Ang pagkakasundo ay siyang magbibigay puwang upang amyendahan ang House Bill 7362, “An Act Converting the Municipality of Baliwag into a component city of the Province of Bulacan to be known as Baliwag City,” na naunang inihain nina Cong. Paolo Duterte at Cong. Eric Go Yap ng ACT CIS Partylist noong Agosto ng nakaraang taon. Ang pagsulong ng pagiging lungsod ng Baliwag ay matapos magpahayag ng suporta si Bulacan 2nd District Representative Gavini “Apol” Pancho sa ginanap na pagpupulong kasama si Mayor Ferdie Estrella, at ilang opisyal ng House of Representatives kamakailan. Ayon kay Cong. Noel Villanueva ng Ikatlong Distrito ng Tarlac at Chairman ng House Committee on Local Government, nakatakda ang pagdinig para sa kalunsuran ng Baliwag sa Agosto 25, 2021. Dahil sa pagsang-ayon ng partido nina Estrella at Pancho, natuldukan na rin ang ispekulasyon patungkol sa posibleng paglalaban ng dalawa sa susunod na halalan. Samantala, malaki ang naging partisipasyon ng ilang piling personalidad para pagkaisahin ang damdamin ng dalawang opisyal na taga Baliwag, at upang umusad na ang pagdinig at maipasa ang batas para sa kalunsuran ng Baliwag. Matatandaan na ang pagiging lungsod ng Baliwag ay isinulong ni Mayor Ferdie matapos na makamit nito ang dalawa sa tatlong mahahalagang pamantayan – populasyon at kita. Nagtala ang bayan ng Baliwag ng 168,732 (150,000 law requirement) na indibidwal sa nakaraang 2020 Census of Population and Housing samantalang ang kita ay pumalo sa mahigit sa P220 milyon at P258 milyon, o may katumbas na halaga na P103 milyon at P118 milyon (o P100 milyon “deflated” gamit ang constant prices noon taong 2000) noong 2018 at 2019. Ani Mayor Ferdie, ang pagsuporta ni Cong. Apol ay mahalaga para sa mga Baliwagenyos lalo na ngayon upang higit na mapabilis pa ang pagbangon at pagsulong ng progreso ng bayan. (PHOTO CREDIT: baliwag.gov.ph) |
2021-08-07

