Pagbubukas ng mga sinehan, ikokonsulta muna sa mga eksperto, mall owner — Yorme Isko

Pinag-aaralan pa ng pamahalaang lungsod ng Maynila  ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na luwagan ang restriksiyon sa mga sinehan, theme park, arcade at mga museo.

Ayon sa IATF, papayagan nang magbukas ang mga sinehan sa mga lugar na nasa general community quarantine o GCQ, gayundin ang mga driving school, library at cultural center.

Ang kapasidad naman ng mga religious gathering ay nadagdagan na rin ng hanggang  50 porsiyento.

Sinabi naman ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso  na ikokonsulta pa ng lokal na pamahalaan sa Manila Health Department (MHD) at  may-ari ng mga mall sa lungsod ang rekomendasyon ng IATF.

“Kailangan na makonsulta namin ‘yung aming mga medical frontliners lalo na ang MHD: Ano ba ang epekto? May technical study na ba talaga?” ayon sa alkalde.

“Second, ano naman ang gagawin ng theater owner na mga precautionary measures? We are open to the idea, pero ayaw namin na magkabiglaan lang,” dagdag pa ni Domagoso. 

Binigyan diin ng alkalde na isang mahirap na paghahanda at  responsibilidad ang kinakailangan sa bagay na ito.

“Pinag-aaralan pa namin kasi while it is true that we wanted to open businesses, are they ready to come up with a plan yung katulad ng cinema o yung mga nabanggit? Hindi naman po pwede na bibiglain natin. Kailangan responsable pa rin,” pahayag pa ng alkalde.

“While it is true that we really wanted to move on, kailangan lang maging responsable kasi syempre may concern rin naman yung ibang tao,” aniya pa.

Sinabi ng alkalde na kailangan munang ipatupad ang pag-iingat  lalo na sa mga sinehan  upang maprotektahan ang publiko.

Tiniyak din ng alkalde sa publiko ang patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan upang maiangat ang mga sektor ng negosyo  na labis na naapektuhan ng pandemya.

“Gusto kong makapaghanap buhay ang tao, gusto kong may trabaho ang tao, gusto kong mag normalize yung buhay ng tao, but this is a very challenging task but we are trying to really do it in such a manner na may kaakibat na resresponsibilidad,” sinabi pa ng alkalde.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.