PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsalakay sa isang bahay na pagawaan ng pekeng P1000 bills kaninang umaga sa Sampaloc Maynila.
Kasama ni Moreno sa pagsalakay ang mga tauhan ng Manila Police District- Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) sa pangunguna ni Police Maj. Rosalino Ibay Jr., Police Station 4 ng QCPD sa pangunguna ni Lt. Col. Richard Ian Ang at Stn 12 sa ilalim ni LtCol. Damaso Burgos, at mga kinatawan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na sina Atty. Rene Fajardo at Atty. Andrew Asprin.
Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit 300 piraso ng pekeng pera na P1,000 bills sa mga suspek na kinilalang sina Datu Aron Mangundatu, 34, nagpakilalang ‘asset’ ng CIS at PDEA at taga 2040 -B Smith St. Singalong Maynila; Francis Tuwalya ,27, ng 1045 P. Geuvarra St, Sta Cruz ; at Paolo Cabrera Guevarra, 35 at taga 1532 Loyola St.Sampaloc,Maynila.
Bitbit ang Service of Search warrant para sa paglabag sa Articles 166, 168 at 176 ng Revised Penal Code o Manufacturing of Counterfeit Philippines Currency na inisyu ni Judge Thelma Bunyi Medina ,sinalakay ng mga awtoridad ang isang bahay sa 1532 Loyola corner Valencia Street , Sampaloc, Maynila dakong alas 11:40, Lunes ng umaga.
Dito na inabot ng mga awtoridad ang mga suspek at nakumpiska ang mga gupit ng pekeng P1,000 bills habang ang iba naman ay katatapos pa lamang i-imprenta at di pa nagugupit.
Dinala ang mga suspek sa tanggapan ng SMaRT para sa kaukulang imbestigasyon kung saan sinabi pa ng suspek na si Mangundatu na siya ay “alpha” ng CIS at PDEA.
Ayon kay PMaj Rosalino Ibay hepe ng SMaRT sasampahan ng paglabag sa Article 166, 168, at 176 ng RPC ang mga suspek, bukod pa sa kasong paglabag sa RA 9165.