INIREREKOMENDA ng DOST-PHIVOLCS ang pagiging alerto at paghahanda ng mga residente sa paligid ng Mayon Volcano sa posibilidad ng bumaba at umagos ang lahar sa gitna ng mga pag-ulang dulot ng bagyong Quinta.
Kung maaari umano ay agad nang lumikas ang mga residente sa mas matataas na lugar kung mararanasan ang malalakas na pag-ulan.
Batay sa huling abiso ng PAGASA, sa Bicol Region inaasahan ang landfall ng bagyong Quinta at posibleng maranasan ang mahina hanggang sa katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan.
Sa ipinalabas na Mayon Volcano Lahar Advisory ng Phivolcs, ang matagal at malakas na pag-ulan at maaring makalikha ng lahar sa major channels ng bulkang Mayon.
Maaari umanong maibaba nito ang mga materyal at deposito at ashfall nang sumabog ang bulkan nuong Enero hanggang Marso ng taong 2018.
Ang malaking bahagi umano ng pyroclastic density current deposits ang umookupa sa watershed ng Miisi, Mabinit, Buyuan at Basud Channels.
Dahil dito, ibinabala ng Phivolcs na posible ang pag-agos ng lahar at sediment-laden streamflow sa mga river channel ng bulkang Mayon partikular na sa Miisi, Binaan, Anoling, Quirangay, Maninila, Masarawag, Muladbucad, Nasisi, Mabinit, Matan-ag, at Basud Channels, dahil sa inaasahang malakas na pag-ulan na dala ng Tropical Depression Quinta.
Nauna na ring naobserbahan ang lahar flow sa mga barangay ng Maninila at Tandarora sa Guinobatan, Albay nuong Oktubre 15 at 20 dahil sa mga ulang dala ng bagyong Ofel at Pepito.