P80-milyon halaga ng gintong alahas, nadiskubre sa banyo ng eroplano

AABOT sa P80 milyon o katumbas ng 24.20 kilos ng iba’t-ibang mga alahas na gawa sa ginto ang nasabat ng Bureau of Customs – Port of Ninoy Aquino International Airport Terminal 2 (BOC-NAIA).

Ayon sa BOC, ang nadiskubreng mga gintong alahas ay natagpuan na nakatago sa lavatory o banyo ng eroplano nitong Huwebes, Nobyembre 17.

Nadiskubre ni Customs Boarding Inspector ng Aircraft Operations Division ang naturang mga gintong alahas sa Philippine Airlines flight PR301 na dumating sa bansa mula Hongkong sa isinagawang boarding formalities sa eroplano.

Agad na ipinag-utos ni BOC-NAIA District Collector Carmelita Talusan ang masusing imbestigasyon kasama ang pagtukoy sa mga indibidwal na responsable sa tangkang smuggling.

Tiniyak ng BOC-NAIA, sa pamumuno ni District Collector Talusan, ang mahigpit na pagpapatupad ng mga hakbang sa seguridad sa hangganan ayon sa direksyon ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz. 

Ito ay naaayon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itigil na ang smuggling sa bansa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.