INANUNSIYO ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na asahan ang P323 na “rebate” o halagang maibabalik sa mga kostumer ng Maynilad na lubhang naapektuhan ng mahabang pagkakatigil ng serbisyo ng tubig.
Pasok dito ang mga nasa supply zone ng Putatan water treatment plants na kinabibilangan ng mga residente mula sa Paranaque, Las Pinas, Muntinlupa, Pasay, Bacoor, Imus, Cavite City, Rosario at Noveleta sa Cavite.
Pahayag ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty, nagpasya silang patawan ang Maynilad ng halos P64 milyon na multa dahil sa perwisyong idinulot sa mga kostumer mula Disyembre noong nakalipas na taon hanggang Pebrero ngayong taon.
Ang halaga ng financial penalty ay kinuwenta batay sa arawang konsumo ng mga apektadong kostumer.
Sa datos ng MWSS, halos 200,000 mga kostumer ang makikinabang sa rebate sa susunod na buwan.

