CALAMBA CITY, Laguna – UMAABOT sa P20,410,000.00 ang nabigyan ng Department of Agriculture (DA) ng bayad-pinsala sa halos 890 na magbababoy o “hog-raisers” nitong Marso 10-12, 2021 na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) sa mga lalawigan ng Quezon at Cavite.
Katumbas ang halagang P5,000 kada baboy na sinusuko sa kagawaran at upang mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabangong muli matapos mapinsala ng ASF.
Ayon kay Regional Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay, ang programang ito ay makakatulong upang mapalakas muli ang pag-aalaga ng baboy sa rehiyon.
Aniya, “ang Kagawaran ay namamahagi rin ng iba’t ibang alternative livelihood programs para sa mga naapektuhan ng ASF gaya ng baka, kalabaw, kambing, broiler at free-range chicken, quail, at mushroom production modules,” dagdag pa ni Cuasay.
Mula nitong ikalawang Linggo ng Marso,nakatanggap na ng bayad-pinsala ang mga magbababoy na mula sa mga bayan ng San Francisco, General Luna, Macalelon, Pitogo, Mauban, at Pagbilao sa Quezon at mga munisipalidad ng Magallanes at Alfonso sa Cavite sa mga susunod na araw ay ang ilang bayan naman sa CALABARZON.

