P174-milyon shabu, nasamsam sa mag-utol

NASA kabuuang P174 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa tatlong magkakapatid, kabilang ang isang menor-de-edad na nailigtas sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Iprinisinta sa mga mamamahayag ni Caloocan City Police Chief Col. Samuel Mina Jr. at Northern Police District (NPD) Director Police Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang mga naarestong suspek na sina Kalif Latif, 24, (watchlisted), Akisah, 18, at kanilang 14-anyos na binatilyong kapatid.

Nasamsam sa magkakapatid ang nasa 25 kilo ng high grade shabu na tinatayang nasa P174,760,000.00 ang halaga.

Pinuri naman ni Gen. Ylagan ang mga operatiba ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni Col. Mina dahil sa matagumpay nilang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay Mina, mahigit isang linggong isinailalim sa surveillance operation ng mga operatiba ng SDEU ang mga suspek bago isinagawa ang buy-bust operation sa kanilang bahay sa Block 30, Lot 17, Phase 12, Barangay 188, Tala, Caloocan city.

Isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nakagawang makapag-transaksiyon sa mga suspek ng P120,000 halaga ng shabu.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang nai-turn over naman sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang menor-de-edad.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.