Breaking News

Share this information:

NAUNGKAT ng Commission on Audit (COA) sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagbili ng mga sanitary napkin sa isang construction and trading company at hindi sa botika na malapit sa tanggapan nito.

Sa 2020 audit report ng COA, ipinunto nito ang pagdududa sa pagbili ng isang deputy administrator ng nagkakahalagang P1.269 milyong hygiene kits, sanitary napkins at thermal scanners mula sa MRCJP Construction and Trading.

Gayunman, hindi mahanap ng COA ang kumpanya mula sa address na nakasaan sa Collection Receipt (CR).

Diin ng COA, may malaking drugstore malapit sa OWWA Central Office sa Pasay City ngunit mas piniling bumili sa isang construction o hardware store.

“It is unlikely that these items were bought from a store which deals with construction supplies or hardware, considering that the Mercury Drugstore is just around the vicinity of the OWWA,” ayon sa COA.

Tinukoy pa ng COA na lumalabas na ang halaga ng hygiene kit ay nasa P160 bawat isa ngunit hindi nakasaad kung ano ang laman nito. Ang napkin naman ay nagkakahalaga ng P20 hanggang P30 kada piraso na masyado umanong mahal kumpara sa sari-sari store na nabibili lang sa P8 hanggang P10 bawat isa.

“Out of the P2,011,441.90 covered by LR No. FM-OWWA 07-10.4, the propriety and regularity of the expenditures charged to the CA of a Deputy Administrator totaling ₱1,269,920.00 is doubtful due to the awarding of the procurement transactions not to reputable drugstores and supermarkets,” ayon sa COA.

Deputy Administrator, pinangalanan

Samantala, tinukoy na ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac ang Deputy Administrator nito na sangkot sa pinagdududahang pagbili ng sanitary napkin.

“Ang pangalan po ng deputy administrator ay Deputy Administrator Faustino Sabares III,” ayon kay Cacdac.

Binigyan umano si Sabares ng cash advance upang madaliin ang pagbili ng personal protective equipment, pagkain at hygiene kits nuong kasagsagan ng COVID-19 pandemic mula Marso hanggang Hunyo ng nakaraang taon.

Sinabi ni Cacdac na naging malinaw sa COA ang pinagkagastusan ng halos P9 bilyong pondo nito nuong 2020 maliban sa P1.2 milyon na suplay na kinakailangang mabigyan ng paliwanag ng kinapuntahan nito.

“Ito po ay nasa konteksto ng audit ng COA sa amin sa OWWA for the Fiscal Year 2020 kung saan gumastos kami ng halos P9 billion at maayos naman po, unqualified opinion ang nakuha natin, 99.9 percent of the time, okay. Kaya lang itong naiwan itong kailangan ngang i-justify, itong P1.2 million na supply,” pahayag ni Cacdac.

Umapela ng pang-unawa ng publiko si Cacdac dahil binigyan naman aniya ng COA ng panahon si Sabares upang sagutin ang pinagkagastusan nito ng pondo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: