“Oplan Baklas,” sinimulan na ng Comelec

NAGSAGAWA na ang Commission on Elections (Comelec) ng tinatawag nitong “Oplan Baklas” o ang pagtanggal ng mga campaign materials na lumabag sa mga patakaran ng poll body.

Sinimulan ng Comelec ang inisyatibong ito sa pagsisimula ng panahon ng kampanya para sa mga lokal na posisyon ngayong Marso 28, 2025.

Ang “Oplan Baklas” ay pinangunahan mismo ni Comelec Chairman George Garcia, kasama ang Metroplitan Manila Development Authority (MMDA) at Ecowaste Coalition.

Ayon kay Garcia, marami pa ring mga pasaway na kandidato na naglalagay ng mga campaign material sa mga lugar na hindi itinalaga ng Comelec.

Pinuna din ni Garcia ang mga kandidato na sana bago nagsimula ang pag-arangkada ng local campaign ay pinatanggal na ang kanilang mga campaign material na nasa mga pampublikong lugar upang sa gayon ay hindi na sila nahirapan pa.

“Alam n’yo kung ako yung kandidato bago nagsimula ang araw na ‘to pinatanggal ko na yung nasa public places para hindi na pahirapan pa kami kakadumi ng kamay namin kakatanggal–ang hirap magtanggal ng mga alambre,” paliwanag ni Garcia.

“Sana pinatanggal na lang agad nila para naman ang Comelec, (kasama ang) MMDA, LGU natin, at kasama na rin yung iba’t-ibang sektor para lamang linisin ang mga public places,” dagdag pa ni Garcia.

Nanawagan din siya sa mga kandidato na magkusa sa pagtatanggal ng illegal campaign material para makatutok ang Comelec at iba pang concerned agency sa ibang mga gawain.

Ilan sa mga inalis na mga camapign poster ay mali ang sukat at wala rin sa common poster area.

Ayon kay Garcia, base sa batas ay susulatan na lamang at bibigyan ng tatlong araw ang mga nag-violate upang tanggalin ang mga illegally posted materials o mga materyales na hindi environment-friendly.

Babala ni Garcia, kung sa loob ng tatlong araw ay hindi matanggal ang mga illegal campaign material, sila ay kakasuhan ng election offense at disqualification.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.