Online classes sa Valenzuela City, kanselado rin kapag may babala ng bagyo

WALA rin munang online classes sa mga paaralan sa Valenzuela City kapag may nakataas na babala ng bagyo sa Metro Manila.

Batay ito sa ipinalabas na panuntunan patungkol sa suspensyon ng klase sa panahon ng distance learning sa lungsod.

Alinsunod sa panuntunan, walang online classes sa preschool at kindergarten sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Valenzuela City kung may Storm Signal No 1. Gayunman, tuloy pa rin ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase at ang mga nagdaang aralin ay i-a-upload at maaaring mapanood sa kanilang YouTube channel.

Wala namang klase sa preschool, kindergarten, elementary at highschool sa mga pampubliko at pribadong paaralan kapag Storm Signal No. 2 at maging ang broadcast ng Valenzuela Live at ang mga talakayan sa klase ay suspendido rin.

Samantala, pati ang trabaho ng Department of Education sa lungsod ay kanselado na kapag Storm Signal No. 3, gayundin ang pagsasahimpapawid ng Valenzuela Live at talakayan sa klase.

Maaaring panuorin ang mga nakalipas na aralin sa itinakdang YouTube channel upang makapagbalik-aral ang mga estudyante at hinihikayat ang sariling pag-aaral gamit ang mga learning modules.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.