‘One entrance, One exit’ policy ikinasa sa Taytay, Rizal

Share this information:

SA gitna ng patuloy na banta ng nakakamamatay na COVID-19, ikinasa ng Philippine National Police – Calabarzon ang isang polisiyang nagtatakda ng isang pasukan at labasan sa mga pasilidad upang pigilan ang pagkalat ng nasabing karamdaman.

Kabilang ang pamilihang bayan ng Taytay, Rizal sa mga pampublikong pasilidad kung saan mahigpit na binabantayan ang galaw ng mga mamimili.

Sa isang pahayag, nagpahayag ng pagkabahala si Taytay Mayor Joric Gacula sa nasabing hakbang, kasabay ng pagtitiyak na mahigpit na nilang ipinatutupad ang minimum public health and safety protocol na una nang ipinalabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Gayunpaman, wala aniya silang magawa kundi sumunod sa nasabing hakbang ng pulisya.

“Ipinapatupad ang One entry, One Exit Policy sa ating Pamilihang Bayan upang maiwasan ang pagdag sa ng mga mamimili. Ang Muling pagpapatupad ng One Entrance One Exit ay base sa rekomendasyon ng inspeksyon team ng Police Regional Office CALABARZON at ng Rizal Police Provincial Office,” saad ng alkalde sa isang Facebook post.

Gayunpaman, tiniyak ni Gacula na patuloy pa din ang pagpapamahagi ng Taytay LGU ng tulong sa mga apektadong komunidad o pasilidad, bukod pa sa inaasahang ayuda mula sa national government, ayon na din sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa pinakahuling datos ng Municipal Health Office, mayroon nang 254 active COVID-19 cases sa nasabing bayan.

Kasabay ng anunsiyong nagpapalawig sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine sa National Capital Region at mga kalapit lalawigan ng Cavite, Bulacan, Laguna at Rizal, mahigpit din anilang ipinatutupad ng Taytay LGU ang iba pang direktiba tulad ng pagbabawal sa mga pagtitipon, mahigpit na pagpapatupad ng curfew hours, mandatory use ng face masks and face shields at maging ang border checkpoints.

Giit pa ng alkalde, kailangan ang tamang pagbalanse sa kaligtasan at kalusugan at kabuhayan.

“Hinihikayat ko ang lahat na tupdin ang alituntunin. Mas maigi na yan kesa naman tuluyang isara ang ating palengke,” dugtong pa ni Gacula kasabay ng paalala sa mga residente para sa ibayong ingat sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tagubilin ng mga eksperto sa larangan ng siyensiya at medisina.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.