HINARANG ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang babaeng Chinese na paalis ng bansa na nakakuha ng working visa sa pamamagitan ng pandaraya at misrepresentation.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang pasahero na si Qiu Meiying, 35 anyos at pasakay ng eroplano patungong Xiamen, China.
Ayon kay Morente, naharang si Qiu ng mga immigration officers sa NAIA matapos na matuklasan sa isinagawang inspeksyon na ang kanyang pangalan ay nasa watchlist ng bureau at may deportation case dahil sa paglabag sa Philippine immigration laws.
Agad namang kinumpiska ang kanyang pasaporte at inatasan na iprisinta ang kanyang sarili sa BI legal division upang harapin ang kanyang deportaion case na isinampa laban sa kanya.
Nakaraang October 2020 umano nang ilagay si Qiu kasama ang 20 pang Chinese nationals sa immigration watchlist dahil sa pamemeke ng employment permits upang makapag-apply ng kanilang working visas sa bansa.