SINABI ng isang mataas na opisyal ng Department of Health (DOH) na wala pa umanong natutukoy na Omicron XE, o yaong recombinant ng dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19, sa Pilipinas.
Ito ang tiniyak ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire ngayong araw ng Martes, kasabay nang paniniguro na mahigpit ang isinasagawa nilang monitoring at pagbabantay para matukoy kung nakapasok na ang Omicron XE sa bansa.
“Sa ngayon wala pa naman tayong nade-detect na XE variant dito sa ating bansa,” tinukoy ni Vergeire sa panayam sa radyo.
“Itong XE variant naman ay mga tatlo o apat na bansa pa lang ang nakakadetect ng ganitong klaseng variant,” dagdag pa nito.
Una nang sinabi ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay mas nakakabahala kumpara sa iba pang Omicron sub-variants dahil sa transmissibility nito.
Gayunman, hindi naman nangangahulugan ito na mas malala ang epekto nito o makakaapekto sa bisa ng mga kasalukuyang bakuna na available sa ngayon, dagdag pa nito.