Posible umanong umabot na sa hanggang isang milyon ang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa bago matapos ang Abril, base na rin sa projection na inilabas ng OCTA Research group nitong Lunes.
Sa kanilang latest monitoring report, iniulat ng OCTA na bagamat ang COVID-19 transmission sa Metro Manila ay nakitaan na ng pagbagal dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ), ang bilang ng mga kaso ay tumataas pa rin umano ng hanggang 20 percent.
“Before the end of April, the Philippines is expected to have recorded more than 1,000,000 total COVID-19 cases,” anang OCTA.
Hanggang nitong Linggo ng hapon, ang total COVID-19 infections sa bansa ay nasa 795,051 na, kasama rito ang 646,100 recoveries at 13,425 deaths.
Sinabi naman ng OCTA na ang reproduction number, o ang bilang ng mga taong nahahawa ng bawat pasyente ng COVID-19, ay bumaba na ng hanggang 1.61 mula Marso 29 hanggang Abril 4, ngunit nangangahulugan pa rin ito na ang bawat COVID-19 cases ay kayang makapanghawa ng higit pa sa isang pasyente.
Inaasahan naman ng OCTA na ngayong extended pa ng isang linggo ang ECQ sa NCR Plus areas ay higit pang bababa ang reproduction number ng sakit ng hanggang 1.3 o mas mababa pa pagsapit ng Abril 11.
“It is clear that the lockdown has been effective in slowing down the increase in number of new cases in the NCR. With an additional week of ECQ… the goal is to bring the reproduction number down to 1 or close to it,” ayon pa sa mga eksperto.
Napuna rin umano nila na ang transmission ay bumagal na sa Maynila, Parañaque, Marikina, at Navotas, habang nakapagtala na rin ng downward trend ng mga bagong kaso ang Pasay at Makati.
Naobserbahan rin naman umano ang mabilis na pagdami ng sakit sa Mandaluyong, Las Piñas at San Juan.
“The goal is for these LGUs to have low or negative one-week growth rates in new COVID-19 cases very soon,” anito pa.
Kaugnay nito, sinabi rin ng OCTA na nakatulong sa pagpapababa ng hospital occupancy rate sa ilang lungsod ang pagdaragdag ng mga pagamutan ng mga hospital beds para sa COVID-19 cases.
Gayunman, nagbabala ito na maaaring mabilis ring maokupa ang mga idinagdag na hospital beds, lalo na at posible anilang umabot pa rin ng mula 11,000 hanggang 12,000 ang maitatalang mga kaso ng sakit sa mga susunod na linggo.