OCTA: 20% ng COVID-19 cases nagmula sa NCR

Kinumpirma ng OCTA Research Group na nasa 20% ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 cases sa bansa ngayon ay mula sa Metro Manila.

Ayon kay Dr. Michael Tee, ng OCTA, kung idadagdag pa ang bilang ng mga kaso ng sakit mula sa Region 4A at 4B, ay aabot na ito sa 36%.

Nagbabala naman si Tee na kung magpapatuloy pa ang pagtaas ng mga kaso ng sakit ay tiyak na tataas rin ang hospital utilization rate.

“Ang diperensiya niyan magkakaroon tayo ng problema sa hospitalization na sabi nga natin ay isang laging indicator, huli na yan e. Bago mo pa ma-pick-up na napupuno ‘yan e delikado na ang sistema,” aniya pa, sa isang panayam sa radyo.

Sa ngayon naman aniya ay tumaas na rin ang bilang ng hospital beds sa National Capital Region (NCR) mula sa 6,000 at naging 10,000 na.

“Noong March, 6,000 lang ang hospital beds, ngayon ay 10,000 na sa NCR, nadagdagan.  Ang hindi lang natin gusto ay mapuno kaya hindi natin pinapayagan na ipaalagwa ang surge na ito,” ani Tee.

Una nang nagbabala ang naturang grupo ng mga eksperto na posibleng kalat na ang Delta variant ng COVID-19 sa bansa dahil sa nararanasang seryosong surge ng COVID-19.

Mayroon umanong 1,700 bagong kumpirmadong kaso sa Metro Manila nitong Sabado na pinakamataas simula nuong Mayo 10.

Tinukoy din ng OCTA Research ang 13 lugar sa rehiyon bilang high-risk, kabilang ang Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, at Valenzuela.

Tumaas rin naman umano ang reproduction number sa rehiyon sa 1.52, mula sa dating 1.29 noong unang bahagi ng Hulyo.

Nakatakda naman nang isailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine (ECQ) mula Agosto 6 hanggang 20 upang tangkaing mapigilan pa ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.