NASAKOTE ng mga tauhan ng District Special Operation Unit-Northern Police District (DSOU-NPD) sa bisa ng warrant of arrest ang isang most wanted person sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni DSOU head PLt. Col. Jay Dimaandal ang naarestong akusado na si Eduardo Dela Rosa alyas “Edwin,” 43 anyos, isang express delivery rider at residente ng Blk 78 Lot 9 NorthVille 2B, Brgy. 171 Bagumbong, Caloocan City.
Base sa report ni PLt. Col. Dimaandal kay NPD Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., nakatanggap ang DSOU ng impormasyon mula sa NDIT, Regional Intelligence Unit-National Capital Region (RIU-NCR) na naispatan ang akusado sa kanilang lugar.
Kaagad bumuo ng team ang DSOU sa pangunguna ni PLt. Melito Pabon saka nagsagawa ng manhunt operation dakong alas-3:30 ng hapon na nagresulta sa pagkakaresto kay Dela Rosa sa kanyang bahay.
Ayon kay DSOU investigator PMSgt. Julius Mabasa, si Dela Rosa ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Regional Trial Court (RTC) National Capital Judicial Region Branch 80, Quezon City Hon. Judge Madonna Echiverri para sa kasong Robbery at Theft na may inirekomendang piyansa na P100,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Ani PLt. Col. Dimaandal, ang akusado ay nasa Top 6 most wanted person sa Caloocan City at tinagurian din itong leader ng “Dela Rosa Stear Gang” na responsable sa robbery at budol-budol sa Metro Manila at karatig na mga probinsya.

