NAGPASOK ng “not guilty plea” si Police Master Sergeant Jonel Nuezca, ang pulis na walang awang namaril at nakapatay sa isang mag-ina sa Paniqui, Tarlac dahil sa matagal ng alitan sa lupa.
Ito ang napag-alaman mula kay Police Lt. Col. Soledad Elifanio, ang Public Information Officer (PIO) ng Police Regional Office 3 (PRO-3), kaugnay sa kasong murder na kinakaharap ni Nuezca sa Tarlac Regional Trial Court nitong araw ng Biyernes, Enero 8, 2021.
Ayon kay Elifanio, kasalukuyang humaharap sa paglilitis sa isang lokal na korte sa bayan ng Paniqui si Nuezca bunsod ng 2 counts of murder sa ginawang pamamaril at pagpatay nito sa mag-inang Gregorio na sina Sonya, 52 at Frank Anthony, 25, noong Disyembre 20, 2020, na nag-viral sa social media.
Kuhang-kuha sa cellphone video ang pagbaril ng malapitan ni Nuezca sa mag-inang Gregorio sa kalagitnaan ng tensyon kung saan sinasabing nag-ugat ang malagim na krimen dulot ng matagal ng alitan sa lupa.
Sa darating na Pebrero 4 ang susunod na pagdinig ng korte sa kaso ni Nuezca.