“No vendors, no parking policy,” mahigpit nang ipapatupad sa Maynila

Share this information:

MAHIGPIT nang ipapatupad sa lungsod ng Maynila ang “No vendors, No parking policy” matapos lagdaan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Executive Order (EO) No.19 Series of 2022.

Sa ilalim ng nasabing EO, kabilang sa mga lugar kung saan mahigpit nang ipagbabawal ang magparada at maglatag ng paninda ay sa kahabaan ng Juan Luna St. mula C. M. Recto hanggang Plaza San Lorenzo Ruiz; Soler St. mula C.M. Recto hanggang Reina Regente; Blumentritt Road mula Rizal Avenue hanggang A. Bonifacio St.; sa kabuuan at kapaligiran ng Plaza Miranda; Gonzalo Puyat St. (dating Raon St.) mula Quezon Blvd. hanggang Rizal Avenue; Carlos Palanca St. mula C. Ayala St. hanggang Plaza Lacson; at Carriedo St. mula Rizal Avenue hanggang Quiapo Church.

Gayundin ang gagawin sa U.N. Avenue mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue; Padre Faura St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue; Pedro Gil St. mula Roxas Boulevard hanggang Quirino Avenue; Paz St. mula Apacible St. hanggang Pedro Gil St.; A. Linao St. mula Quirino Avenue hanggang Apacible St.; Taft Avenue mula Pablo Ocampo St. (dating Vito Cruz) hanggang Plaza Lawton; T. Alonzo St. mula C. M. Recto hanggang Ongpin St.; Zobel Roxas St. mula Osmeña Highway hanggang Pasig Line at Onyx St. mula A. Francisco St. hanggang Zobel Roxas 

Nakasaad din sa ilalim ng Section 2 ng naturang kautusan na wala ring pahihintulutang vendors sa kahabaan ng C. M. Recto mula Asuncion St. hanggang Juan Luna St. at ang Kalaw St. mula Roxas Boulevard hanggang Taft Avenue pero ang pagpaparada ng sasakyan sa isang lane ng lansangan ay maaaring payagan. 

Nakasaad din sa EO ng alkalde na ang mga idineklarang Mabuhay Lanes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay mananatili sa ipinaiiral na panuntunan na batay sa regulasyong inilabas ng ahensiya.

Ang binuong Task Force Against Road Obstruction (TFARO) ay inatasan din na tiyaking  maipatutupad ang mga panuntunang nakasaad sa mandato ng kanilang tungkulin sa lahat na oras.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.