Nigerian national na sangkot sa cybercrime, nasa kustodiya na ng BI

HAWAK na ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na nauna nang naaresto at ikinulong dalawang taon na ang nakakaraan dahil sa pagkakasangkot sa credit card fraud and cyber-crime activities.

Sa report kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kinilala ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI ang Nigerian national na si Emmanuel Obi Nwadkure, 26 anyos, na inaresto sa Hall of Justice Building sa  Muntinlupa City.

Ang FSU ay armado ng mission order na inisyu ni Morente na isinilbi naman sa Nigerian habang nag-attend ng kanyang hearing  sa Muntinlupa City regional trial court. 

Sinabi ni BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy  na kinakailangan na nasa kustodiya nila ang Nigerian para masiguro na hindi tatakas o magtatago habang dinidinig ang kaso laban sa kanya.

Sinabi pa ni Sy ay pinayagan mag-piyansa ang dayuhan kaya pinakawalan sa kustodiya ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Paliwanag ni Sy na sa kasalukuyang batas, ang isang dayuhan na may pending criminal case at nakalaya dahil sa piyansa ay kinakailangan ilipat sa kustodiya ng BI bilang bahagi ng deportation proceedings. 

Sa datos, ang Nigerian national ay overstaying na, kung saan inaresto noong  Setyembre 8, 2020 ng mga ahente ng anti-cyber crime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa Republic Act 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.