Dapat umanong iprayoridad ng pamahalaan ang pagbabakuna sa National Capital Region (NCR) at mga kalapit nitong lalawigan upang makasikad na muli ang ekonomiya.
Ayon kay Ranjit Rye ng OCTA Research Group, dahil limitado lamang ang suplay ng bakuna laban sa COVID-19 sa bansa ay makabubuting isentro muna ang pagbibigay nito sa NCR at Calabarzon, na siyang pinaka-apektado ngayon ng pandemya.
Aminado si Rye na maaaring ang naturang suhestiyon ay umani ng reklamo mula sa iba pang rehiyon, ngunit nagpahayag ito ng paniniwala na ang pag-reallocate ng limitadong suplay ng bakuna, habang sinusunod pa rin ang risk-based approach na pagbabakuna muna sa mga health care workers, senior citizens, at mga taong may comorbidities, ay makapagpapalakas sa kabuuang laban ng bansa laban sa COVID-19.
“If we believe that if the pandemic is a snake in the country, the head is in the NCR and the Calabarzon. So if you cut the head off—I’m sorry if you’re a snake-lover—we believe that will have an impact on the overall war against COVID. We’ll probably be able to open up at least the economy if we’re able to see the decline in these centers where majority of the cases are,” ani Rye sa isang panayam sa telebisyon.
“If we do this, we might not achieve herd immunity, but we will achieve a situation of decline in cases and a possibility, a very good basis for opening up the economy,” aniya pa.
Ito aniya ang isa sa mga models na ipiprisinta nila sa ginagawang ulat ngayon ng OCTA Research.
Nabatid na hanggang nitong Miyerkules ng hapon ay umaabot na sa 892,880 ang naitatalang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa naturang bilang, 173,047 ang aktibong kaso, 704,386 ang gumaling na at 15,447 naman ang sinawimpalad na bawian ng buhay.
Sa situational report ng Department of Health (DOH) nitong Martes, mayroong 78,885 active cases sa NCR at 29,733 sa Calabarzon, na binubuo ng mga lalawigan ng Batangas, Laguna, Cavite, Quezon, at Rizal.
Sa daily additional cases naman, 5,129 ang mula sa Metro Manila at 2,317 ang mula sa Calabarzon

