IKINASA na ng grupong PISTON sa darating na Huwebes, Setyembre 18, ang nationwide transport strike nito kaugnay ng mga nabunyag na katiwalian sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Nakatakdang simulan ang kilos-protesta dakong alas-singko ng madaling araw.
Iginigiit ng grupo na mapanagot ang mga opisyal at kontratista na sangkot umano sa iregularidad sa paggamit ng buwis ng taumbayan.
Umaapela ang PISTON sa publiko na suportahan ang kanilang apela para panagutin ang mga nasasangkot sa korupsyon dahil apektado umano ang buong sambayanan sa mali o pag-abuso sa paggamit ng pondo.
Samantala, nakataas ngayon ang red alert status ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa harap ng kaliwa’t-kanang mga protesta laban sa alegasyon ng katiwalian sa flood control projects ng pamahalaan.
“Lahat po ng units ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas have been placed na po on red alert status,” ani AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla.
“Ito po ay isang precautionary measure po sa part po natin. Ito po ay standard security protocols. We would like to emphasize na wala po tayong dapat ikabahala,” dagdag nito.
Sa ilalim ng red alert status, may mandatong manatiling naka-alerto at naka-standby ang mga sundalo at ipinagbabawal muna ang bakasyon upang manatiling handa sa ano mang hindi inaasahang pangyayari.
Sa hiwalay na pahayag, inihayag ng Philippine National Police (PNP) na mapayapa sa kabuuan ang mga nakalipas na kilos-protesta sa Metro Manila.
Sa kabila nito, nananatiling naka-alerto ang tinatayang 2,100 mga pulis at 1,500 Reactionary Standby Support Force (RSSF) personnel para tiyakin ang seguridad.
“I extend my heartfelt thanks to every police officer who stood watch with professionalism and compassion. Your discipline and respect for human rights reflect the best of our service,” ani PNP acting chief Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr.
“I thank the public, including rally organizers and participants, for your cooperation and for observing agreed protocols. Together, we showed that dialogue and peaceful assembly can thrive in a democracy,” dagdag nito.

