TINATAYANG aabot sa US$1.5 trillion ang nawawala sa ekonomiya ng ating bansa kada taon dahil sa kawalan ng Philippine maritime zone law.
Sa Kapihan sa Manila Bay forum kahapon, sinabi ng Chairman ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zone na si Senator Francis Tolentino na dahil naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para sa maritime zone law ay inaasahang mapapalakas at mapapatatag nito ang pag-angkin ng bansa sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Bagaman may international maritime law, sinabi ni Tolentino na ito ay self-executory lamang at kailangan ipatupad sa domestic o kailangan i-nationalize.
“Maraming nanghihimasok –wala tayong tamang batas pangkaragatan at ngayon lamang napatatag yung ating sangayon dun sa maritime zone law na sa tingin ko magpapatibay hindi lang ng karapatan ng ating bansa in the base of national security pati food security rin at trabaho rin para sa ating mga mangingisda,” saad ni Tolentino.
Ayon sa senador, makakatulong na marekober o mabawasan man lang ang nawawala sa ekonomiya ng bansa ang naturang batas na magsisilbing “notice’ sa buong global community sa Pilipinas.
“The law would help in a sense that it will serve as a notice to the entire global community. Philippines is the rightful owner of this protected marine environment and the resources that can be found herein,” dagdag pa ni Tolentino.
Nauna nang sinabi ni Tolentino sa plenaryo sa Senado na kahit anong mangyari sa Bajo de Masinloc, sa West Philippine Sea at BenhAm Rise, ang Philippine maritime zone law ay nakatatak na sa kasaysayan na magiging bantayog ng ating kalayaan.
“We can enforce, in the basis of this law –and we can ask other nations as well, to help us to collaborate with allies to establish a rules-based international regime …patrols, fishing agreements etc.,“ pahayag pa ng senador nang tanungin kung ano ang pagkakaiba ng pagkakaroon ng nasabing batas dahil kung sino-sino aniya ang pumapasok at nangingisda dahil walang domestic law.
Samantala, kailangan lamang aniyang mapalakas pa ang actual law enforcement, kailangan gumawa ng paraan para mapalakas ang Philippine Coast Guard (PCG) at maritime security forces.
Aminado naman si Tolentino na sa ngayon ay hindi pakakayanin ng Pilipinas pagdating sa maritime forces dahil salawak ng karagatan pero iginiit na magbibigay ng puwang ang batas sa mga policy makers at panahon na para mag-invest ng sapat at quality law enforcement ,equipment para suportahan ang PCG.

