ARESTADO ang ilang indibidwal matapos na mabuking na gumagamit ng pekeng medical certificate upang para ma-qualify sa mga sektor na babakunahan kontra COVID-19.
Sa ibinahaging impormasyon ni Office of the Mayor Chief of Staff Cesar Chavez, nakakulong na sa Manila Police District (MPD) at iniimbestigahan na ang nasabing mga indibidwal.
Iniimbestigahan na rin ng pulisya ang mga clinic at mga sinasabing nagbigay ng prescription sa mga taong nais magpabakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon, tanging ang hanay ng A1 at A3 lamang ang pinahihintulotan na mabakunahan dahil sa kakulangan pa ng suplay ng bakuna.
Kabilang sa nasabing sektor ang health care workers, senior citizens at mga indibidwal na may cmorbidity o karamdmaan.
Base sa regulasyon ng Inter Agency Task Force maging ang Department of Health (DOH) dapat munang unahin ang mga frontliners at mga senior na madaling dapuan ng sakit at mga indibidwal na may comorbidity o karamdaman.
Muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na maghintay-hintay lamang at lahat naman ay mababakunahan kapag dumating na ang iba pang suplay ng bakuna.
Nagbabala naman ang pulisya sa mga nagbabalak pang mameke ng anumang requirements o dokumento para lamang makapanlamang sa mga mas karapat-dapat na mabigyan ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.

