Nagpakilalang miyembro ng CIDG na susundo sana sa dalawang Hapones sa NAIA, kinasuhan na

NAHAHARAP ngayon sa kaso ang isa sa anim na lalaki na nagpakilalang miyembro ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos nitong tangkaing kuhanin at ng mga kasama nito ang dalawang Hapones na hinuli ng Bureau of Customs (BOC) sa NAIA Terminal 2.

Ayon sa PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP), ang anim na lalaking sakay ng private vehicle na may blinker at sirena ay napag alaman ng PNP-HPG na hindi awtorisado na gumamit nito.

Dahil dito, agad na pinababa ang mga sakay nito para beripikahin ang kanilang pagkakakilanlan.

Isang miyembro naman ng BOC na noon ay nasa lugar ang nagtimbre sa AVSEGROUP na isa sa grupo ng mga lalaki na nasa sasakyan ay naunang nagpakilalang miyembro ng PNP-CIDG.

Hiningi ng AVSEGROUP ang PNP ID ng nagpakilalang miyembro daw ng PNP-CIDG na kinilalang si Alberto Cena ng Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City subalit bigo itong maiprisinta ang ID na hiningi sa kanya.

Agad namang dinala sa headquarters ng Aviation Security Unit-NCR si Cena at ang lima pa nitong kasamahan para sa karagdagang beripikasyon. Lumabas naman na si Cena ay isang ordinaryong sibilyan lamang ayon sa PNP-CIDG.

Sinampahan na ng AVSEGROUP ng reklamong paglabag sa Presidential Decree 96 (Unlawful Use or Attachment of Sirens, Bells, Horns, Whistles or Similar Gadgets) at Usurpation of Authority si Cena habang pinalaya naman ang limang kasamahan nito dahil wala umanong legal na basehan para sampahan ng kaso ang mga ito.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.