Multiple murder, inihain ng NBI vs 11 pulis sa pagpatay sa isang rent-a-car driver at 2 pasahero

crime scene do not cross

MULTIPLE murder ang inihaing kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa 11 pulis na sangkot sa pagpatay sa isang 28-anyos na rent-a-car driver at sa dalawang iba pa sa bayan ng Oas, Albay noong nakalipas na 2021.

Dumulog sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) nitong araw ng Miyerkules, Pebrero 16, 2022, ang ina ng biktima na si Jose Maria Arvin Bautista at ang balo na si Frances Louissie Bautista kasama ang isang NBI-Death Investigation Division agent para sa pormal na pagsasampa ng kasong kriminal.

Bukod sa kasong “Multiple murder” ay planting of evidences din ang inihain ng pamilya Bautista laban kina Police Major Jerald John Villafuerte, ang hepe ng Oas Municipal Police Station; Maj. Ray Anthony Villanueva, Capt. Raul Racho, Lt. Victor Borjal, Staff Sgt. Mark Anthony Reblora, Master Sgt. Nestor Salire Jr., Pat. Geofrey Avila, Senior Master Sgt. Romeo Raro Jr., Chief Master Sgt. Marvin Boral; Staff Sgt. Henry Ballon at Staff Sgt. Mark Jay Sevilla.

Sa hiwalay na imbestigasyon ng NBI, bumiyahe mula Valenzuela City patungong Quezon province si Bautista noong July 19, 2021 lulan ng kanyang kulay abong Suzuki Ertiga para sunduin ang dalawang pasahero na nakilalang sina Ramon Mutuc Jr at Gregorio Garcia.

Kinabukasan ay nakatanggap umano si Ginang Evelyn ng tawag mula sa Albay police at ipinaalam sa kanya na napatay ang kanyang anak at sina Mutuc at Garcia sa pakikipag barilan sa mga pulis.

Subalit lumalabas sa 211-page complaint affidavit ng NBI, ang tatlo ay negatibo sa powder burns at paraffin tests taliwas sa report ng pulisya.

Wala din umanong tama ng mga bala ang sasakyan ni Bautista at nakita sa trajectory ng sugat sa katawan ng mga biktima ay paibaba na ibig sabihin ay binaril sila ng malapitan habang nakaluhod.

Lumalabas din sa re-autopsy ng NBI sa nakitang mga galos sa may pulso ni Bautista ay natamo umano sa pagkakagapos. Nauna ng ibinalita ng Police Regional Office 5 (Bicol) sa media na napatay ang tatlo sa anti-drug operations kung saan nakuha sa mga ito ang nasa P1.75 milyon halaga ng shabu at tatlong baril.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.